Naniniwala ang witness na si Ginang Yolanda Camelon na wala ng dahilan para matakot siya matapos isiwalat ang sinasabing bentahan ng good conduct time allowance (GCTA) sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor).
Hindi raw kasi malalaman ng publiko ang mga anomalya ng ahensya kung walang maglalakas ng loob na magsalita at magbunyag sa mga ito.
“Alam naman namin noon na mayroong bayaran. Paano itong mga walang pambayad na kahit naman wala silang pambayad eh qualified na silang makauwi sa pamilya nila?”
Nitong araw nang humarap sa media si Camelon bitbit ang panindigan sa mga pahayag kagabi sa Senado.
Ayon sa kanya, hindi ito ang unang kaso ng GCTA for sale dahil may ilan umano siyang nakilala na nagbayad ng malaking halaga kapalit ng mabilis na paglaya ng kanilang kamag-anak na nakakulong.
Aminado si Camelon na nasilaw siya sa naging alok ni Senior Inspector Maribel Bansil.
Ito’y kahit nakatakda ng lumaya ang kanyang asawa noong Hunyo, kung gagamitan ng GCTA ang apat na taong sintensyang ibinaba rito noong 2017.
“May mga personal kaming kilala from doon sa town din namin na nakalabas na nagbayad din sa GCTA na yan.”
“Sa first na conversation namin ni Major Mabel (sinabi niya na) pwedeng maglakad ng papers yung mister ko na ma-lessen yung service of sentence niya through service ng GCTA, sabi niya nasa batas daw yun.”
“Nag-start po ako mag-research na automatic yung GCTA na privilege ng bawat preso. Sabi ko, sa sarili kong computation, June this year ang magiging due date ng asawa ko.”
“Plano namin ay hintayin siyang totally makalaya at pupunta kami sa Senado para magsumbong.”
Una ng itinuro ni Camelon ang head ng documents section ng BuCor na si Staff Sgt. Ramoncito Roque bilang nasa likod ng GCTA for sale.
Nakatanggap ng sermon kay Sen. Richard Gordon si Roque dahil sa tila pagkunsinte nito sa tangkang panunuhol.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, agad niyang irerekomenda sa uupong OIC ng BuCor ang suspensyon ng mga opisyal na dawit sa kontrobersya.