LAOAG CITY – Naniniwala ang ilang negosyante sa Ilocos Norte na dahil sa pagbaba ng presyo ng palay ang isa sa mga dahilan kung bakit matumal ang bentahan ng paputok at mga prutas sa lalawigan.
Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag sa isang negosyante na si Mrs. Angeline Aquino, sinabi niya na kakaunti pa lamang ang mga bumili ng firecrackers samantalang noong nakaraang taon ay dagsa ang mga taong bumili sa kanilang produkto.
Paliwanag niya na base sa mga sinasabi ng mga tao, wala umanong pambili ang mga tao lalong-lalo na ang mga magsasaka dahil sa pagbaba ng presyo ng palay kung saan sobrang naapektuhan ang kanilang pamumuhay.
Sinabi pa ni Aquino na tumaas ng tatlong piso ang presyo ng paputok dahil nagmahal din ang mga sangkap na ginagawang paputok.
Samantala, aminado naman si Andres, nagtitinda ng mga prutas na bumaba rin ang kanilang napagbentahan ng prutas dahil iilan lamang ang bumili sa bisperas ng pasko.
Naniniwala na dahil sa mga nagdaang bagyo ay konti lamang ang naani ng mga magsasaka kung kaya apektado rin ang kanilang pamumuhay.
Dagdag niya na halatang apektado ang pamumuhay ng mga tao sa lalawigan dahil konti lamang ang mga bumili ng prutas kompara noong nakaraang taon na malaki-laki rin ang kanilang napagbentahan.