-- Advertisements --

Gagamitin umano nang husto ng national pool team ng Pilipinas ang homecourt advantage upang dominahin ang sasalihan nilang mga event sa Southeast Asian Games.

Ayon kay Robert Mananquil, secretary general ng Billiards and Snookers Congress of the Philippines, tinitingnan nila ang Malaysia at Singapore bilang mahigpit nilang karibal sa English Billiards, at ang Vietnam naman sa carom.

Tiniyak naman ni Mananquil na hindi sila magpapatinag at ibubuhos nila ang kanilang makakaya para sa bansa.

Kumpiyansa naman si Mananquil na magagawa ng kanyang tropa na magbulsa ng minimum na apat na mga gintong medalya sa biennial meet.

Kabilang sa mga sasargo para sa Philippine team ang billiards legend na si Efren “Bata” Reyes.

Tatampok din sa 16-player national team sina two-time World 10-ball titlist at one-time World 9-ball runner-up Rubilen Amit at reigning SEAG 9-ball queen Chezka Centeno.

Sinabi ni Mananquil na dahil sa bigating mga pangalan sa kanilang line-up ay abot-kamay na nila ang kampeonato sa 9-ball at 10-ball events.

Kung maaalala, dalawang golds, isang silver at dalawang bronze ang hinakot ng Pilipinas sa 2017 SEA Games na ginanap sa Malaysia.