Tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas na kinuha nila ang pinakamagagaling na mga abugado sa Kuwait upang hawakan ang kaso ng overseas Filipino worker (OFW) na napatay sa nasabing bansa.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr., patuloy ngayon ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng domestic helper na si Jeanelyn Villavende, kung saan sinasabing ang kanyang among babae ang suspek.
Sinabi pa ng kalihim na tatagal daw ng isang linggo ang gagawing pagsisiyasat bago pormal na simulan ng Kuwaiti court ang pagdinig sa kaso.
Giit ni Locsin, wala raw rason ang mga among Arabo para maging bayolente sa mga OFWs.
Magugunitang nagpatupad na ang pamahalaan ng partial deployment ban sa Kuwait matapos ang insidente.
Hindi ito ang unang beses na may umiral na ban sa Kuwait dahil nagkaroon din ng ganitong kautusan noong 2018 makaraan ang serye ng mga pagpasalang at pag-abuso sa mga manggagawang Pinoy doon kabilang na ang kaso ni Joanna Demafelis na natagpuan ang bangkay sa isang freezer.