Binigyang-diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) na kailangan umano ng bansa na balansehin ang pagtugon sa mga banta sa kalusugan at ekonomiya, partikular sa Metro Manila kung saan bahagi ng populasyon nito ang dumaranas ng kagutuman.
Ayon kay acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua, batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan, posibleng maging permanente ang bilang ng mga indibidwal na nagugutom sa Metro Manila dahil sa mga umiiral na mobility restrictions.
Batay sa SWS survey noong Nobyembre, naitala sa Metro Manila ang pinakamataas na hunger incidence sa 23.3% o katumbas ng nasa 780,000 pamilya.
Sa Mindanao, tinatayang nasa 16% ang hunger incidence, 14.4% sa Balance Luzon, at 14.3% sa Visayas.
“Plans and programs, whether by the national government, local government units, businesses, and civil society, affect the lives of Filipinos and so everyone must always try to do better,” saad ni Chua sa isang pahayag.
“Prolonged hunger can take away years of productivity, and sometimes this is passed on to children and grandchildren. So this cycle of poverty can affect generations to come,” dagdag nito.
Kasunod din aniya ng naitalang pagbulusok ng ekonomiya noong 2020, inihayag ni Chua na ang tradeoff ay hindi na raw sa pagitan ng kalusugan at ekonomiya kundi sa COVID-19 at non-COVID-19 threats, gaya ng kagutuman, kahirapan, at iba pang mga sakit.
“There are also many people who are in need of income so that they can avail of treatments, like dialysis, and other treatments. We also need to help people to commute to work and find jobs,” ani Chua.
Bagama’t ginagawa rin aniya ng gobyerno ang lahat upang makontrol ang sitwasyon, sinabi ni Chua na nangangamba ito sa maaaring epekto nito sa publiko, lalo na sa mga mahihirap.