LEGAZPI CITY – Muling ipinaalala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng butete o puffer fish.
Kasunod ito ng pagkalason ng walong indibidwal sa bayan ng Libon, Albay matapos kumain ng butete.
Nagresulta pa ito sa pagkamatay ng tatlong mga biktima at pagkaka ospital ng limang iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol spokesperson Rowena Briones, sinabi nito na matagal ng ipinagbabawal ang pagkain ng naturang nakakalason na isda batay sa Fisheries Administrative Order 249.
Subalit aminado ang opisyal na marami pa rin ang sinusubukang magluto ay kumain nito lalo na sa mga malalayong lugar.
Dahil dito ay plano ng tanggapan na higpitan pa ang kampanya upang maipaunawa sa publiko ang panganib na dala ng pagkain ng butete.
Nanawagan pa ang opisyal sa mga mangingisda na kung sakaling makahuli ng naturang isda ay agad na ibalik sa dagat upang hindi na magdala ng panganib sa buhay ng mga makaka kain nito.