Binabaan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang aangkating isda para sa closed fishing season sa Oktubre 1 hanggang Disyembre 21.
Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, nagpasya ang National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) na mag-angkat ng 25,000 metrikong tonelada ng frozen pelagic fish kabilang ang galunggong, mackerel, bonito at iba pang mga isda.
Ito ay mas mababa sa inaprubahang 35,000 MT noong nakalipas na taon.
Saad pa ni Briguera na binabaan ang importasyon para matumbasan ang actual consumption at suplay mula sa aquaculture sector ng bansa.
Inaasahan din na makakatulong ito na ma-stabilize ang presyo ng isda sa merkado sa oras na ipatupad ang closed fishing season sa Palawan, Zamboanga Peninsula at Davao gulf.
Inisyu ito kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tanggalin ang mga non-tariff barriers sa mga inangkat na produktong pang-agrikultura sa ilalim ng Administrative Order No. 20.