Binabantayan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang posibleng epekto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng temperatura sa mga katubigan ng bansa at ang epekto nito sa mga red-tide prone area.
Batay sa huling monitoring ng BFAR, apektado ng red tide ang ilang mga karagatan sa bansa tulad ng coastal water ng Milagros sa Masbate; coastal waters ng Leyte sa probinsya ng Leyte; Matarinao Bay sa Eastern Samar; at Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur.
Ayon kay BFAR Spokesperson at Information and Fisherfolk Coordination Unit Chief, Naz Celestial Briguera, regular ang ginagawa ng BFAR na pagbabantay sa mga naturang karagatan at iba pang coastal areas, upang agad makapaglabas ng abiso kung magpositibo ang mga ito sa red tide.
Paliwanag ng opisyal na tanging monitoring at maagap na paglabas ng abiso ang magagawa dito ng pamahalaan. Hindi rin aniya makakatulong ang paggawa ng anumang artificial intervention.
Nilinaw din ng opisyal na sa mga lugar na positibo sa red tide, tanging ang mga shelfish at alamang ang ipinagbabawal na kuhanin at kainin.
Aniya, maaari pa ring makapangisda sa mga naturang katubigan basta’t linisin lamang ng maayos ang mga mahuhuling isda, alimango, pusit, at mga hipon, bago kainin.
Tiniyak naman ng opisyal na mayroong mga nakalatag na livelihood program para sa mga komunidad na natukoy na apektado ng red tide.
Ayon pa sa BFAR spokeperson, hindi natutukoy kung kailan magkakaroon ng red tide sa isang lugar at kung gaano kahaba ang panahon na magkakaroon at mananatili ang red tide.
Gayunpaman, ilang mga pag-aaral na ang nagpapakitang may epekto ang paggalaw ng temperatura sa pagkakabuo ng lumot na nagiging dahilan ng red tide.