-- Advertisements --

Hindi kikilalanin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang polisiya ng China na pagkulong sa mga dayuhang trespasser sa West Philippine Sea at iginiit na ipagpapatuloy pa rin ang mga aktibidad nito sa ating karagatan.

Ginawa ni BFAR spokesperson Nazario Briguera ang naturang pahayag matapos na ianunsiyo ng China ang bago nitong polisiya na ipapatupad umano simula sa Hunyo 15 kung saan ikukulong ng hanggang 60 araw nang walang paglilitis ang mga trespasser sa disputed water.

Sinabi din ng BFAR official na hindi din nito kinikilala ang unilateral declaration ng China sa fishing ban sa WPS kaya wala aniyang maaaring pumigil sa mga aktibdiad ng mga mangingisdang Pilipino at sa mga lehitimong misyon ng BFAR.

Ayon pa kay Briguera, walang legal na basehan ang deklarasyon ng China at iginiit ang posisyon ng Department of Foreign Affairs.

Paliwanag pa nito na hindi maaaring magpatupad ng fishing ban ang China sa lugar nang walang siyentipikong basehan.

Samantala, tiniyak naman ng BFAR official sa publiko na papaigtingin pa ang presensiya nila kasama ang PCG at PH Navy sa WPS para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino.