-- Advertisements --

Kabilang ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur sa idineklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nag positibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide.

Batay ito sa sa pinakahuling Shellfish Bulletin No. 28, series of 2023 ng ahensya.

Ayon sa BFAR, hindi ligtas kainin ng mga tao ang mga shellfish o alamang sa mga lugar na positibo sa paralytic shellfish poison.

Kabilang sa mga lugar sa Mindanao na nagpositibo sa red tide ay ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Lianga Bay sa Surigao del Sur, at ang coastal waters ng San Benito sa Surigao del Norte.

Sa bahagi naman ng Panay Island, may presensya rin ng paralytic shellfish poison ang Saplan Bay sa Capiz at Aklan, coastal waters ng Panay, Pilar, President Roxas at Roxas City sa Capiz, coastal waters ng Gigantes Islands sa Ilo-Ilo, coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa lalawigan ng Bohol.

Binigyang diin naman ng BFAR na ang pagkain ng mga alamang na may red tide toxins ay maaring magdulot ng lagnat, pantal, pagkahilo, pamamanhid, at respiratory arrest.

Nilinaw din ng ahensya na ang mga isda, pusit, hipon, at alimasag ay ligtas kainin hangga’t nalinisan ito at naluto ng maiigi.