Kinilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources(BFAR) ang papel ng mga kababaihan sa sektor pangisdaan, kasabay ng pagdiriwang ngayong araw sa International Women’s Day.
Sa naging mensahe ni BFAR National Director Elizer Salilig, binigyang-diin niya ang ginagampanan ng mga kabaihan para mapalakas ang naturang sektor.
Mula aniya sa capture fishing, aquaculture, at post harvest hanggang sa marketing, nagagawa ng mga kababaihan na makapag-ambag ng kanilang mga tulong at gabay, tulad ng mga women fisherfolk hanggang sa mga scientists at mga aquaculture experts.
Sa maraming bahagi ng bansa, nangunguna rin aniya ang mga kababaihan sa pagprotekta sa mga yamang dagat ng bansa, paglilinis sa mga dalampasigan, at pagpapanatiling malusog ang mga katubigan ng Pilipinas.
Samantala, sa kabila ng malaking kontribusyon ng mga kababaihan sa sektor ng pangisdaan, sinabi ni Salilig na marami sa kanila ang hindi nabibigyan ng sapat na suporta at oportunidad sa lipunan.
Pangako ng BFAR chief, itataguyod ng BFAR ang karapatan ng mga kababaihan at bibigyan sila ng sapat na pagkakataon upang maipakita ang kanilang mga talento at kahusayan.
Tiniyak ng opisyal na bukas ang BFAR sa mga babaeng Pilipino na nagnanais maging bahagi ng fisheries sector at nakahanda ang ahensiya na tulungan ang mga ito upang ma-abot ang kanilang potensyal.