DAVAO CITY – Nanawagan ang ahensiya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Davao region na sumunod sa kanilang inilabas na mga advisory para hindi malagay sa delikado ang sitwasyon ng kalusugan.
Ito ay may kaugnayan sa kanilang inilabas na advisory na delikado pa rin ang pagkain ng mga shellfish na mula sa Balite Bay sa Mati City, Davao Oriental at sa mga karagatan na sakop ng Sta. Maria, Davao Occidental matapos na positibo pa rin ito sa red tide.
Base sa inilabas na bagong resulta sa laboratory ng BFAR central office at local government units (LGUs), ang mga shellfish at hipon na nagmula sa nasabing mga lugar ang hindi ligtas na kainin maliban lamang sa mga isda, pusit at alimango ngunit kailangan pa rin na linisin ito ng maayos bago lutuin.
Una nang kinumpirma ni BFAR-Davao region Director Fatma Idris ang nasabing impormasyon at unang beses umano ito na kaso na naitala sa Sta. Maria, Davao Occidental.
Samantalang sa Balite Bay, inihayag ng BFAR officer na makakaranas ito ng red tide kung papasok na ang summer season pati na ang mga lugar sa San Pedro Bay sa Western Samar, Lianga Bay sa Surigao del Sur at coastal waters sa Dauis at siyudad ng Tagbilaran sa Bohol na apektado rin ng paralytic shellfish poison.
Sinasabing magdudulot ng hindi magandang epekto sa katawan ang pagkain ng mga shellfish na apektado ng red tide lalo na sa mga tao na may severe o chronic respiratory conditions, gaya ng emphysema o asthma.