Pansamantalang pagbabawalan ang mga mangingisda sa paglalayag sa Rozul Reef (Iroquois) at sa karagatan ng Puerto Princesa, Palawan mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi mula Enero 25 hanggang 27 dahil sa posibleng rocket debris
Sa inilabas na advisory ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA, sinabi nito na natukoy ang mga drop zone alinsunod sa paglulunsad ng Long March 8A rocket ng China mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan province, China.
Inaasahang babagsak ang rocket debris sa 106 nautical miles mula sa Rozul Reef, 34 nautical miles mula sa Puerto Princesa, at 34 nautical miles mula Hadji Muhtamad, Basilan.
Sinabi rin ng BFAR na ang mga rocket debris ay hindi inaasahang babagsak sa anumang lupain o mga kabahayan sa loob ng teritoryo ng bansa.
Gayunpaman, maaari itong makapinsala sa mga sasakyang dumadaan sa mga rocket debris zone.
Kaugnay nito, nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko laban sa pagkuha ng mga rocket debris dahil ang mga materyales tulad ng rocket fuel ay maaaring may mga lason.
Hinikayat din ang publiko na iulat ang anumang makitang debris sa mga lokal na awtoridad, BFAR o PhilSA.