-- Advertisements --

Natukoy ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na positibo sa nakakalasong red tide ang mga shellfish mula sa tatlong lugar sa Visayas at Mindanao.

Sa inilabas na Shellfish Bulletin No. 15 ng BFAR, nagpositibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide ang mga shellfish na nakolekta mula sa coastal waters ng Dauis at Tagbiliran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; at Lianga Bay sa Surigao del Sur.

Base sa pagsusuri na isinagawa ng BFAR, nadiskubre na ang red tide sa naturang apektadong mga lugar ay lagpas sa regulatory limit.

Paaalala ng BFAR sa publiko na ipinagbabawal ang pagkonsumo ng shellfish at acetes sp. o alamang na makukuha mula sa naturang mga lugar dahil hindi ligtas para sa human consumption.

Nilinaw naman ng ahensiya na ang mga isda, pusit, hipon at alimango ay ligtas kainin subalit kailangang sariwa at nahugasan ng maigi at natanggal ang internal organs bago lutuin.