Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko laban sa pagkain ng lahat ng uri ng shellfish na nakuha sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao.
Sa isang kalatas, sinabi ng BFAR na may taglay na “paralytic shellfish poison” na lampas na sa regulatory limit ang mga shellfish na natipon sa dagat sa Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; San Pedro Bay sa Western Samar; Balite Bay, Mati City sa Davao Oriental; Lianga Bay sa Surigao del Sur; at Ormoc Bay sa Ormoc City, Leyte.
Ibig sabihin lahat ng klase ng shellfish at alamang mula sa nasabing mga lugar ay hindi ligtas kainin.
Gayunman, ayon sa BFAR, ligtas pa rin namang kainin ang mga isda, pusit, at alimasag mula sa nabanggit na mga coastal areas basta’t bagong huli ang mga ito at nalinisan nang maigi.
Paalala ng ahensya, siguruhing naalis na ang hasang at bituka ng nasabing mga lamang-dagat bago lutuin.