Namahagi ngayong araw ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ng mga food packs sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa probinsya ng Cavite.
Ayon sa BFAR, umabot sa kabuuang 1,612 na mga mangingisda mula sa bayan ng Noveleta ang tumanggap ng mga food packs. Ito ay katumbas ng 100% ng mga mangingisdang nakarehistro sa ahensiya.
Ayon pa sa ahensiya, ito ay unang bugso lamang ng pagtulong sa mga apektadong mangingisda sa CALABARZON, Central Luzon, at NCR kung saan pinaniniwalaang umabot na ang tumagas na langis.
Ang mga ipinamahaging food packs ay binubuo ng bigas, canned goods, at iba pang non-perishable food items na magagamit ng mga pamilya ng mga mangingisdang nalilimitahan ang pamamalaot dahil sa tumagas na langis.
Sa mga susunod na linggo, nakatakda rin umanong mamahagi ng livelihood assistance para sa mga apektadong mangingisda, habang pinaplano na rin ang isasagawang environmental rehabilitation sa mga nauna nang naapektuhan ng oil spill.
Ayon sa ahensiya, una na rin itong nakipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development upang humiling ng hiwalay na tulong o pamamahagi ng food packs para sa mga apektadong mangingisda.