-- Advertisements --

Namahagi ng tulong ang pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda ng Kalayaan Group of Islands, ilang araw matapos ang insidente ng pambobomba ng tubig sa mga barko nito.

Maalalang nitong weekend ay inilabas ng BFAR ang ulat ukol sa pambobomba ng China Coast Guard ng tubig sa mga barko ng BFAR na magdadala ng supplies sa mga mangingisda na nasa WPS.

Idinaan naman ng BFAR ang mga tulong sa pamamagitan ng BFAR MIMAROPA Regional Office kung saan binigyan ang mga mangingisda ng mga magagamit sa pagpapataas ng produksyon, kasama na ang kalidad ng kanilang mga huling isda.

Kinabibilangan ito ng isang unit Economic Blast Freezer, 50 piraso ng mga Cooler, dalawang unit ng Industrial Electronic Weight Measuring Machine, isandaang piraso ng Crate Storage, at marami pang iba.

Ipinasakamay din ng BFAR ang isang Post-Harvest Equipment sa Munisipalidad ng Kalayaan na magagamit sa operasyon ng Community Fish Landing Center (CFLC) nito.

Pagtitiyak ng BFAR na magpapatuloy ang suporta ng ahensiya sa lahat ng mga mangingisda, upang maipagpatuloy ang mataas na produksyon at huling mga isda.