Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong araw ng Sabado na hinarass ng China Coast Guard at People’s Liberation Army-Navy (PLAN) ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na inalalayan ng PCG habang patungo ng Sandy Cay sa West Philippine Sea.
Sa isang statement, sinabi ng PCG na nangyari ang panibahong paghaharass ng Chinese vessel sa barko ng Pilipinas kahapon, araw ng Biyernes, Enero 24.
Ayon sa PCG, hinarass ng Chinese vessels ang BFAR vessels na Datu Pagbuaya at BRP Datu Bankaw habang naglalayag patungong Sandy Cay para magsagawa sana ng marine scientific survey at sand sampling.
Sa kasagsagan ng misyon, ayon sa PCG, naka-engkwentro ang mga barko ng BFAR ng agresibong maniobra mula sa 3 CCG vessels 4106, 5103 at 4202 na lantarang pagbalewala sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea, 1972 (COLREGs).
Sa kabutihang palad aniya napigilan ang anumang posibleng aksidente sa kasagsagn ng mapanganib na komprontasyon dahil sa kasanayan sa paglalayag ng mga crew ng BFAR.
Nagpadala din ang CCG ng maliliit na boat para iharass ang 2 rigid hull inflatable boats ng BFAR na nagpapadala ng kanilang personnel sa Sandy Cay.
Gayundin, umaligid din ang PLAN helicopter na may tail number 24 sa hindi ligtas na altitude sa ibabaw ng BFAR rigid inflatable boats na lumikha aniya ng mapanganib na kondisyon dahil sa propeller wash nito.
Bunsod nito, napilitan ang BFAR at PCG na suspendihin ang kanilang survey operations sa lugar.
Sa kabila nito, sinabi ng ahensiya na nananatiling committed ang PCG at BFAR sa kanilang mandato at gagawin ang kailangang mga pagi-ingat para matiyak ang kaligtasan ng kanilang personnel at barko sa pagsasagawa ng scientific research and resource management.
Ang pagsasagawa ng marine survey sa Sandy Cay ay kasunod ng nadiskubreng durog at patay na corals sa Sandy Cay 2 na ayon sa mga eksperto ay karaniwang ginagawa ng China bago simulan ang reclamation activities nito.