-- Advertisements --

Tinutukan ng laser ng hindi pa matukoy na barko ng China ng anim na beses na nagtagal ng 5 minuto ang barko ng Bureau of fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Tamblot habang patungo sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.

Nangyari ang insidente pasado alas-8 ng gabi noong Lunes, Disyembre 2 sa bisinidad ng Hasa-hasa Shoal na nasa 60 nautical miles mula sa Palawan, subalit nito lamang linggo inilabas ang naturang insidente.

Nai-rekord naman ng mga sakay na crew ng kasamang BFAR vessel na BRP Datu Matanam Taradapit ang naturang insidente gamit ang night-vision camera.

Base sa BFAR, gumamit ang barko ng China ng high-intensity laser na kulay pula bagamat lumalabas na kulay lila ito sa mga larawan.

Wala namang crew members ang nasaktan sa insidente subalit nagdulot ng pananakit ng kanilang mata ang naturang laser.

Una rito, nagtungo sa naturang shoal ang 2 sibilyang barko ng BFAR para magbigay ng suplay na langis at pagkain para sa mga mangingisdang Pilipino na nasa lugar at patungo sa Pag-asa island para sa scientific research.

Samantala, binatikos naman ng BFAR ang panibagong maritime aggression ng China.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na ang naturang video ay nagpapakita ng reyalidad sa ground na hinaharass at minsan ay inaatake ng mga barko ng China ang Philippine vessels na nagsasagawa ng regular na pagpapatroliya sa exclusive economic zone ng Pilipinas taliwas sa pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila na ang mga barko ng ating bansa ang siyang nagsasagawa ng mapanganib na maniobra laban sa kanilang mga barko.

Sa ngayon wala pang inilalabas na pahayag ang National Task Force for the West Philippine Sea kaugnay sa napaulat na laser harassment ng China.