Walang natanggap na anumang ulat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pinatigil ng China ang mga mangingisdang Pilipino sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa gitna ng unilateral fishing ban nito sa disputed waters.
Sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na hindi kinikilala ng bureau ang pagbabawal ng China na mangisda sa lugar.
Malinaw aniya ang posisyon ng ahensiya katulad ng posisyon ng Department of Foreign Affairs noong nilabas ang protesta laban sa fishing moratorium ng China kayat wala aniyang dahilan para huminto sa pangingisda ang mga Pilipinong mangingisda sa WPS.
Ayon kay Briguera, mayroong humigit-kumulang 300,000 mangingisda sa West Philippines Sea na nagbibigay ng humigit-kumulang 11% ng huling isda sa bansa.
Kung maaalala, nauna nang nagprotesta ang Pilipinas sa fiahing ban ng China dahil nilabag nito ang international law at sinisira ang soberanya at karapatang mangisda ng ating mga kababayang Pilipino.
Sinabi din ng PH partikular ng DFA na hindi nito kinikilala ang moratorium sa pangingisda ng Beijing na ipinatupad mula noong Mayo 1 hanggang Setyembre 16 dahil kasama rito ang mga maritime zone ng PH kung saan may soberanya, hurisdiksyon at sovereign rights ang Pilipinas.
Samantala, tiniyak naman ng ng Philippine Coast Guard (PCG) at BFAR na palalakasin nila ang kanilang presensya sa Bajo de Masinloc upang matiyak na makakapangisda pa rin ang mga mamalakayang Pilipino sa lugar sa kabila ng fishing ban ng China.