KALIBO, Aklan – Isinailalim sa tatlong araw na lockdown ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Aklan sa Ibajay at Tangalan fire station.
Kasunod ito ng pagbisita ni Regional Director Senior Superintendent Roy Agoto at ilang staff ng BFP-Region 6 na direktang nakasalamuha ang Western Visayas patient 144 na isang 26-anyos na babae na kalaunan ay nalaman na positibo sa Coronavirus Disease o COVID-19 kung saan nakasama pa siya sa Boracay.
Dahil dito ay kailangang magsagawa ng decontamination ang mga staff nito.
Ayon kay BFP-Aklan Senior Fire Superintendent Nazrudyn Cablayan, ipina-home quarantine na niya ng 14 na araw ang kaniyang mga tauhan na nakasalamuha ang opisyal at ilang staff nito.
Nag-request na rin umano siya sa Provincial Health Office na makuhaan silang lahat ng swab sample upang malaman agad kung infected ang mga ito ng nakamamatay na sakit.
Nilinaw ni Cablayan na “24/7” pa rin ang kanilang operasyon kahit nabawasan ng staff ang mga nasabing fire station dahil sa pag-home quarantine ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng contact tracing mga health authorities sa Aklan sa hangaring maagapan pa ang mas pagkalat ng COVID-19.