-- Advertisements --

Nag-abiso ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko laban sa paggamit ng fireworks partikular na sa mga kabahayan limang araw na lamang bago ang pagsalubong ng taong 2025.

Ito ay matapos na makapagtala na ang ahensiya ng kabuuang 800 insidente ng sunog ngayong Disyembre na karamihan ay sa mga residential areas.

Ayon kay BFP-Public Information Service chief Annalee Atienza, ito din ang standing order ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kaugnay nito, hinihimok ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa na ganap na nagbabawal sa paggamit ng mga paputok sa loob ng mga kaabahayan.

Sa halip, sumama na lamang manood sa mga lugar na itinalaga para sa fireworks display kung saan may mga festivities at countdown para sa bagong taon.

Kaugnay dito, hinimok din ng BFP official ang publiko na gumamit na lamang ng alternatibong pampaingay na iwas disgrasiya tulad ng torotot at videoke.

Kung sakali man na kailanganin ang BFP, mangyari lamang na tawagan ang 911 para agad marespondehan at huwag unahin ang vlogging o pagkuha ng video sa insidente.

Samantala, mananatili naman na nakataas ang red alert o full alert status sa buong hanay ng BFP hanggang sa pagkatapos ng bagong taon o hanggang sa Enero 2, 2025.