Inilagay ang lahat ng operation units ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Code Red o Full Alert Status mula Abril 16 hanggang 20 kasabay ng pag-obserba ng Lenten season ng mga mananampalatayang Katoliko.
Ito ay kasunod ng pag-ctivate sa BFP OPLAN Semana Santa at Lakbay-Alalay.
Sa ilalim ng Code Red status, nagdeploy ang BFP ng tinatayang 38,000 personnel at 3,472 emergency vehicles sa buong bansa.
Magsasagawa naman ang monitoring teams mula sa Regional at Provincial Offices ng random ocular inspections para matiyak ang kahandaan ng field units.
In-activate na rin ng BFP National Headquarters ang Emergency Operations Center nito para sa tuluy-tuloy na 24/7 monitoring ng kanilang nakadeploy na assets at sa emergency incidents.
Pinakilos din ang First Aid Service Team (FAST) ng BFP para magbigay ng on-the-spot medical assistance lalo na sa inaasahang trapiko at posibleng pagtaas ng mga aksidente sa kalsada.
Nagdeploy din ang ahensiya ng mga ambulansiya at emergency medical personnel sa high-traffic areas at mahahalagang lugar sa buong bansa.
Nagtalaga na rin ng motorist assistance desks ang local BFP stations para maasistihan ang mga motorista sa pakikipagtulungan sa pambansang pulisya at mga lokal na pamahalaan sa mga pangunahing daanan at transportation hubs.
Naka-standby na rin ang Fire Suppression teams at Search and Rescue Force ng BFP at nakahandang tumugon sa anumang mga insidente ng sunog o emergency.
Regular ding magpapatroliya ang fire trucks partikular na sa araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo para sa mga kampaniya kontra sunog.