LEGAZPI CITY – Ipinangangamba ng Bureau of Fire Protection (BFP) Legazpi na magkulang ang personal protective equipment (PPEs) ng mga tauhan kung tatagal pa ang krisis na dala ng coronavirus disease.
Sa ngayon ay may ginagamit na PPE ang mga BFP personnel habang imbes na regular face masks ay air purifying respirator ang gamit ng mga ito.
Subalit inamin ni City Fire Marshall FS/Insp. Garry Lunas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na limitado ang supply ng naturang mga gamit.
Upang mapakinabangan ang PPE na dapat sanang isang beses lamang na gagamitin, nililinisan ito matapos ang proseso ng doffing upang magamit uli.
Kaugnay nito, panawagan ng BFP Legazpi na makiisa ang lahat sa pagsunod sa mga quarantine protocols upang hindi maikompromiso ang pagbabantay at mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Apela pa nito sa mga lokal na pamahalaan na nakakasakop na matulungan ang mga personnel sa pagbili ng iba pang kinakailangang medical equipment.