Bilang paghahanda ng awtoridad sa nalalapit na pagsalubong ng bagong taon, nagsagawa ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng Fire Safety Inspection sa mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Fire Chief Superintendent Jesus Fernandez, dito tiningnan nila kung sumusunod ba sa regulasyon ng BFP ang mga manufacturer o nagtitinda ng fireworks at pyrotechnics.
Ayon sa BFP, alinsunod sa RA 9514, kinakailangan ng sino man na nagnanais na mag manufacture o magbenta ng paputok at pailaw na kumuha ng Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) mula sa fire station na nakakasakop sa kanila. Kasama na rin dito ang pagkuha ng Fire Safety Clearance for Storage para naman sa pag-imbak ng mga raw materials at finished products at ang Fire Safety Conveyance Clearance para sa transport nito.
Paalala ni Gen. Fernandez, maging responsable sa pagpapaputok at huwag hayaan ang mga bata na humawak o gumamit nito.
Inaabisuhan rin ang publiko na sindihan ito malayo sa mga kabahayaan o pumunta sa mga Designated Firecracker Display Areas sa kani-kanilang lugar para maiwasan ang aksidente o sunog.
Dapat rin na tandaan ng publiko kapagka ibinabyahe ang mga paputok at pailaw, iwasan na direktang masisikatan ng araw ang mga paputok habang nasa loob ng sasakyan. Huwag bubuksan o i-expose ang mga mitsa ng paputok dahil maaari itong lumiyab dahil sa exposure sa init ng araw. At mahigpit na ipinagbabawal din na manigarilyo sa sasakyan lalo na kapag may dalang mga paputok.
Samantala, December 1 pa lang daw activated na ang OPLAN PAALALA-IWAS PAPUTOK 2024 ng BFP pati na rin ang mga aktibidad gaya ng Intensified Fire Safety Inspection sa mga lugar gaya ng terminals, mga mall at iba pa.
Mayroon na ring Wide Fire Prevention Campaign gaya ng pag post sa Billboards maging sa media engagements.