-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tututukan ng Bureau Of Fire Protection (BFP) ang pagsusuri sa mga panindang christmas decoration ng mga bahay kalakal ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Fire Marshall Aristotle Atal ng BFP Cauayan City, sinabi niya na nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng DTI at PNP kaugnay sa pagbuo ng composite team na siyang magsasagawa ng pagsusuri sa mga ibinebentang christmas decoration pangunahin ang mga christmas ligths.

Sinabi niya na hindi sila nakapagsagawa ng inspeksiyon sa mga nagdaang araw dahil naging abala ng kanilang tanggapan sa pagtugon sa mga nasalanta ng pagbaha sa Cauayan City.

Batay sa kanilang monitoring kapansin-pansin na kakaunti ang mga nagtitinda ngayon ng christmas ligths kung ikukumpara noong mga nagdaang taon na naglipana ang mga nagbebenta ng pailaw pagpasok ng buwan ng disyembre.

Maliban sa Christmas ligths ay tututukan din ng kanilang tanggapan ang mga paputok na aasahang magsusulputan ngayong buwan ng disyembre.

Sa kabila nito tuloy tuloy ang pagsusulong nila ng oplan ligtas na pamayanan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng public address may kaugnayan sa mga tips o pamamaraan para makaiwas sa sunog.