CEBU CITY – Papasok na ang Bureau of Fire Protection national headquarter sa imbestigasyon sa nangyaring malaking sunog sa Grand Residences Cebu Tower 4 sa Barangay Kasambagan, lungsod ng Cebu.
Inihayag ni FO3 Fulbert Navarro, ang fire investigator ng Cebu City Fire Office, na ang BFP national investigating team na ang magsasagawa ng mas malalimang imbestigasyon bilang protocol diumano ng kabomberohan base sa danyos sa nangyaring sunog.
Aniya, kung lagpas 40 hanggang 60 milyong piso ang danyos sa isang sunog, ang BFP National Headquarter na ang magsasagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Navarro na ibibigay na lang nila ang lahat na nakuhang impormasyon kaugnay sa nangyaring sunog sa intelligence unit ng BFP.
Kaugnay nito, sinasabing ang BFP National na ang makapagbigay ng impormasyon sa resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon.
Abril 14 nang nangyari ang sunog sa Grand Residences Cebu Tower 4 kung saan umabot sa P4 billion ang danyos nito at ito naman ang pinaka-una sa kasaysaysan ng Cebu City Fire Office na nag-deklara ng Task Force Bravo.