-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Hinimok ng Sangguniang Bayan ng Malay si acting Mayor Frolibar Bautista na kasuhan ang 26-anyos na firewoman mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Region 6 na lumabag umano sa qauarantine protocols at inilagay sa peligro ang buhay ng mga residente at frontliners matapos na mag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Isang resolusyon ang inihain ni SB member Dalidig Sumndad na kumukundina sa ginawa ng naturang firewoman na umano’y dumalo sa despedida party sa isla ng Boracay noong Hunyo 12 hanggang 14.

Iginiit pa ni Sumndad na nang pumutok ang pandemya, ginawa ng LGU-Malay ang lahat upang maging covid free ang kanilang bayan at mapangalagaan ang mga mamamayan nito.

Dapat din aniyang sampahan ng kaso ng Civil Service Commission (CSC) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang naturang pasyente.

Magugunitang hindi tinapos ng firewoman ang kanyang dalawang linggong quarantine at bumiyahe papuntang Boracay at habang hindi pa natatapos ang bakasyon ay lumabas ang resulta ng kanyang RT-PCR test na siya ay infected ng nakamamatay na sakit.

Pinatalsik na sa pwesto at inilagay sa floating status si BFP-6 Regional Dir. Fire Senior Supt. Roderick Aguto at 28 iba pang tauhan nito na dumalo sa sinasabing despepida party habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.