LAOAG CITY – Nagsasagawa ng water rationing o pagrarasyon ng tubig ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa ilang barangay sa bayan ng Solsona dito sa lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig sa kanilang mga lugar dahil sa El Niño phenomenon.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Senior Fire Officer 3 Venner Adina, ang Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection sa nasabing bayan, maraming barangay ang humihiling ng rasyon ng tubig sa kanila kabilang ang Barangay Mariquet, Barangay Talugtog, Barangay Bubuos at iba pa.
Aniya, bukod sa mga residential areas, nangangailangan din ng rasyon ng tubig ang ilang paaralan tulad ng Talugtog National High School at Solsona National High School kabilang ang iba pang tanggapan sa nasabing bayan.
Marami na aniyang kabahayan ang nawalan na ng tubig sa kanilang mga balon dahil sa matinding epekto ng weather phenomenon sa lalawigan.
Nagbibigay aniya sila ng pang-araw-araw na rasyon sa mga kinauukulang barangay, paaralan at opisina kasama ang kanilang dalawang fire truck at isang trak mula sa Municipal Agriculture Office habang naka-standby naman ang isa pang fire truck para sa emergency purposes.
Dagdag pa niya, sa tuwing sasapit ang summer season, nakararanas sila ng kakulangan sa suplay ng tubig.