Pinangunahan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang turn-over ceemony at pagpapanumpa sa tungkulin ng bagong PNP Special Action Force Director (SAF) na si Brig. Gen. Felipe Natividad kaninang umaga.
Sa change of command ceremony sa Camp Bagong Diwa, Taguig, pormal nang nag-assume sa pwesto si Natividad kapalit ni Maj. Gen. Bernabe Balba, na itinalagang bagong hepe ng Directorate for Integrated Police Operations-Visayas.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng kumpiyansa si Eleazar na pamumununan ni Natividad ang “elite Force” ng PNP ng may propesyonalismo at integridad sa paglaban sa terorismo, insurhensiya, mga kriminal, sindikato at iba pang high-value targets.
Si Natividad ay nakilala sa kanyang matagumpay na pagpigil sa tangka ng isang grupo ng Abu-Sayyaf na magsagawa ng kidnapping activities sa Bohol noong panahong siya ang provincial commander doon.
Pinuri naman at pinasalamatan ni Eleazar si dating SAF director Gen. Balba sa kanyang mga nagawa para mapahusay ang operational capability ng SAF, hindi lang sa law enforcement Operations, kundi maging sa disaster relief and response.
Ayon kay Eleazar, ang SAF ang representasyon ng pinakamahusay na pulis na pagsisikapan niyang magawa sa buong PNP.
Si Natividad ay miyembro ng PMA Class 1990 habang si Balba ay miyembro ng PMA Class 1988.
“I am confident that under your leadership, the SAF will maintain its earned reputation of being the most dependable and highly-specialized force that aims to ensure peace and order across the country,” pahayag pa ni Gen. Eleazar. “Pinatunayan ni MGen. Balba na hindi puro tapang lang ang SAF kundi may puso at malasakit sa kapwa Pilipino.”