-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng DSWD ang isang menor de edad na itinuturong suspek sa pagpaslang sa isang Barangay Health Worker (BHW) na kasapi ng LGBTQ sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Police Lt. Col. Johnrick Medel, hepe ng Polomolok PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Medel, Crime of passion ang tinitingnan nilang motibo sa pagpatay sa biktimang si Dexter Saluna, 24 anyos at residente ng Purok 1, Brgy. Sulit, Polomolok, South Cotabato.

Lumabas sa imbestigasyon na nakipagkita si Saluna sa kaniyang lalaking ka-chatmate na kinse anyos noong July 10 sa Brgy. Lumakil ngunit nag-away at nagtalo umano ang dalawa kaya sinakal nito ang biktima hanggang sa mamatay.

Kinuha pa ng suspek ang motorsiklo ni Saluna kung saan narekober ng kapulisan sa bahay nito sa Brgy. Pagalungan.

Naaresto naman ang suspek at inamin nito ang ginawang krimen.

Kahit nasa kustodiya ng DSWD ang menor de edad mahaharap pa rin ito sa mga kasong murder at carnapping.

Matatandaan na natagpuan na lamang sa pineapple plantation sa Barangay Pagalungan ang bangkay ng biktima.