KORONADAL CITY – Nanindigan ang Provincial Inter Agency Task Force (PIATF) Incident Commander ng North Cotabato na hindi dahil sa bakuna ang ikinamatay ng isang Barangay Health Worker (BHW) sa bayan ng Matalam kundi dahil sa comorbidity nito.
Ito ang inihayag ni Board Member Philbert Malaluan na tumatayong PIATF Incident Commander sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Malaluan, ikinalulungkot ng LGU-North Cotabato ang pagkamatay ng BHW na si Gng. Emelie Salimbag, 50-anyos na residente ng Barangay Kibia, Matalam, North Cotabato dahil sa isa itong aktibong volunteer health worker sa kanilang lugar.
Ngunit ayon kay Malaluan, hindi namatay si Salimbag dahil sa bakuna ngunit dahil sa sakit nito.
Ipinaliwanag ni Malaluan na sumailalim sa masinsinang assessment si Ginang Salimbag bago binakunahan ng Astrazeneca.
Inamin naman umano ng BHW na una na itong na-stroke at mayroong maintenance na gamot.
Nang araw umano na sumailalim ito sa vaccination ay nasa stable na kondisyon ito.
Ngunit pagkalipas ng tatlong araw ay inatake umano ito ng kanyang sakit at hindi na naagapan pa sa ospital.
Aminado naman umano ang asawa nito na si Florencio Salimbag na hindi regular na umiinom ng gamot ang kanyang asawa kaya’t inatake ito ng kanyang sakit.
Sa kabila ng pagkamatay ng kanyang asawa ay nakahanda pa rin ito na magpabakuna kasama ang kanilang mga anak.
Napag-alaman na nakatanggap na rin ng tulong mula sa LGU-North Cotabato ang pamilya Salimbag.