Ipinag-utos ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Viado ang agarang pagsibak sa BI personnel matapos makatakas ang high-profile na puganteng Korean national.
Base kasi sa nakalap na bagong CCTV footage at testimonial evidence, posibleng nagkaroon ng sabwatan.
Sa isang statement, sinabi ni Comm. Viado na hindi ito simpleng kapabayaan lamang dahil nakuhanan aniya sa camera ang mga galaw at interactions na nagpapakita ng sabwatan.
Maliban dito, nakakalap din aniya sila ng karagdagang testimonial evidence na magpapalakas pa sa kanilang kaso laban sa sangkot na personnel.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa ngayon, bagamat may hawak na aniya silang malakas na ebidensiya na susuporta sa criminal cases laban sa mga responsable sa likod ng naturang insidente.
Kasalukuyan na aniyang sinisiyasat ang CCTV footage na umano’y nagpapakita sa pagtulong ng BI officers sa tumakas na pugante.
Samantala, naihain naman na ang criminal complaints laban sa BI personnel sa Department of Justice.
Nangako naman ang BI chief na hindi titigil at walang sasantuhin ang ahensiya na sinuman hangga’t hindi napaparusahan at nakukulong ang lahat ng responsable dito para hindi sila pamarisan.
Una rito, nakatakas ang puganteng Korean na si Na Ik-hyeon nang dumalo ito sa pagdinig ng kaniyang kasong estafa sa QC prosecutor’s office noong Marso 4.