-- Advertisements --

Nangako si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado na hindi sisimulan ang deportation proceedings para sa naaresto na umano’y Chinese spy hangga’t hindi natutukoy o natutunton ang kaniyang mga kasamahan, mapa-dayuhan man o local resident.

Enero 17, 2025 nang maaresto ang 39-anyos na si Deng Yuanqing, ang hinihinalang Chinese “sleeper agent” na umano’y nasa Pilipinas na mula pa noong 2015.

Ayon kay Viado, bagaman ang BI ang magsisimula o mag-i-initiate sa deportation proceeding laban kay Deng, hindi nila ito sisimulan hangga’t hindi nareresolba o naisisilbi ang lahat ng penalties at mga local accountability laban kay Deng.

Kailangan din aniyang matukoy kung mayroon pang kasamahan si Deng na nasa Pilipinas na tumutulong sa kaniya.

Una nang sinabi ng BI na si Deng ay nakapangasawa ng isang Pinay at ilang beses na siyang pumapasok sa Pilipinas.

Kasunod ng pagkaka-aresto kay Deng, sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief Romero Brawner Jr na kailangan ang lalo pang paghihigpit sa loob ng mga kampo ng militar at iba pang military facilities, kasama na ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement sites.

Pinaniniwalaan na ang mga ito ang pangunahing tinatarget ng naarestong Chinese.