Nananawagan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga residente ng Batangas at mga kalapit na lugar na i-report ang mga ilegal na dayuhan sa nalalapit na service caravan.
Kasunod ng tagumpay ng mga katulad na hakbangin sa mga naunang bahagi ng “Bagong Immigration” caravan, sinabi ni Tansingco na ang kamalayan at pagtutulungan ng komunidad ay mahalaga sa pagprotekta sa bansa laban sa mga hindi kanais-nais.
Ayon kay Tansingco, dapat na maging vigilant ang publiko at iulat ang mga kahinahinalang mga aktibidad ng mga foreign individuals na kanilang makakasalamuha.
Binigyang-diin din ni Tansingco ang kahalagahan ng pag-uulat ng mga foreign sex predator at sex tourist na isang prayoridad sa ilalim ng Project #Shieldkids campaign ng BI.
Matatandaang noong Mayo, inaresto ng mga operatiba ng BI ang pitong Chinese national na ilegal na nagtatrabaho sa isang quarry sa Taysan, Batangas.
Ang operasyon, ay isinagawa ng regional intelligence unit ng BI sa pakikipag-ugnayan sa mga government intelligence agencies at lokal na pulisya .
Binigyang-diin ni Tansingco na ang pagbabantay at pag-uulat ng komunidad ay makakatulong sa ahensya na mahanap ang mga dayuhang nagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad sa malalayong lugar.