Humingi ng paumanhin ang opisyal ng Bureau of Immigration sa pakikipag-selfie ng kanilang tauhan kasama ang inarestong si dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Indonesia.
Ipinaliwanag ni BI Fugitive Search Unit chief Rendel Ryan Sy na sa katunayan hindi dapat na ipinakalat pa sa publiko ang naturang larawan dahil para lamang umano ito sa situational report ng kanilang personnel.
Nagulat din umano ang BI official nang na-leak at mag-viral ang naturang selfie ng kanilang personnel kasama si Guo na makikitang nasa loob ng sasakyan.
Sa tingin ng opisyal na sign of relief ito dahil marahil ay hindi maitago ang ngiti sa ibang ahente na nasa picture nang mahanap na rin ang nakatakas at nagtatagong si Guo.
Ginawa ng BI official ang pahayag matapos ngang punahin ng ilang mga Senador at umani din ng batikos mula sa netizen nang kumalat online ang selfie ng PH officials kasama si Alice Guo na tila pagpapakita umano ng VIP treatment.
Bunsod nito, ipinag-utos ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pag-isyu ng show cause orders laban sa mga ahente ng gobyerno na kumuha ng larawan at nakipag-selfie kasama si Guo.