-- Advertisements --

Magkakasa ng imbestigasyon ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa impormasyong nakasaad sa isang artikulo kaugnay sa self-confessed hitman at umano’y miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato na nakalabas umano ng Pilipinas gamit ang pekeng identity at travel documents, batay sa report mula sa American daily newspaper na nakabase sa New York city.

Inilathala kasi sa naturang pahayagan ang isang artikulo noong weekend na nagdedetalye kung paano nakaalis ng bansa si Matobato kasama ang kaniyang pamilya. Bagamat hindi binanggit sa report kung kailan nakalabas ng bansa ang pamilya Matobato.

Nagawa umano ni Matobato na makakuha ng bagong identity kasama ang bagong pasaporte at bagong job description bilang hardinero.

Nakasaad din sa report na nagbago ito ng kaniyang pisikal na itsura sa pamamagitan ng pag-shave sa kaniyang makapal na buhok at pagsusuot ng malaking salamin at mayroon itong gray goatee at natakpan ang parte ng kaniyang mukha ng mask.

Hindi pa malinaw kung sino ang nagbigay kay Matobato at kaniyang pamilya ng mga pekeng dokumento at kung paano sila nakalabas ng bansa nang hindi dumadaan sa immigration.

Mula aniya sa Pilipinas, lumipad patungong Dubai ang pamilya Matobato kung saan sila bumiyahe patungo sa isang hindi natukoy na bansa kung saan inaasahang magbabagong buhay ang pamilya nang nasa permanent exile.

Matatandaan, isa si Matobato sa mga unang tumestigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Noong Setyembre taong 2016, iniharap siya nang noo’y nakaupo pang Senator na si Leila De Lima sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa drug war killings para tumestigo sa kaniyang nalalaman hinggil sa Davao Death Squad.