Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na Amerikano na wanted ng U.S. federal authorities dahil sa drug trafficking.
Kinilala ang pugante na si Henry Watkins, kilala rin bilang “Tutu,” 51-anyos na American national.
Inaresto si Watkins ng mga operariba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI noong Marso 18 sa kanyang tinitirhan sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng U.S., kung saan humingi ito ng tulong sa BI sa paghahanap at pagpapa-deport kay Watkins.
Kinumpirma ng mga awtoridad na si Watkins ay nasa listahan ng hinahanap ng U.S. Drug Enforcement Administration (DEA) dahil sa umano’y kaugnayan niya sa kilalang Sinaloa drug cartel sa Central America.
Naglabas ang U.S. District Court sa Northern Iowa ng arrest warrant para sa pag-aresto kay Watkins noong Pebrero 26, sa salang large-scale drug trafficking at pamamahagi ng methamphetamine at heroin.
Samantala, inaresto rin ng BI-FSU ang isang overstaying Egyptian national sa Naga City noong Marso 19.
Kinilala ang suspek na si Bakhit Akram Mnayer Gouda, 37-anyos na hinuli sa Barangay Igualdad, Naga City kasunod ng criminal complaints for direct assault at paninirang puri laban sa isang pulis.