-- Advertisements --

Nakatakdang ipatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapalawig sa travel ban hanggang sa Hulyo 15 sa pitong bansa dahil pa rin sa panganib na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang dito ang mga bansang India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka, Oman at United Arab Emirates.

NAIA chinese passengers flight

Sa isang advisory, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ang extension ng naturang ban ay bilang pagsunod sa pinakahuling resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na pagpapalawig ng dalawang linggong ban sa mga papasok na pasahero na magpapaso sana nitong June 30. 

Sinabi naman ni Morente na ang existing guidelines na sumasakop sa arrival ng mga pasahero mula sa pitong bansa ay dapat mahigpit na ipatupad. 

“Foreigners arriving the said countries will be denied entry and immediately sent back to their port of origin.  On the other hand, Filipinos arriving from these countries as part of repatriation efforts by the government and non-government sectors will be allowed entry,” anang BI chief.

Nagpaalala rin ito sa mga airline companies na huwag magpasakay ng mga pasaherong galing sa mga naturang rehiyon dahil kapag lumabag ang mga ito sa panuntunan ng IATF ay siguradong haharap sila sa kaukulang parusa.

Nilinaw naman ni Atty. Carlos Capulong, BI Port Operations Division Chief na base sa pinakahuling IATF resolution ang mga fully vaccinated na mga pasahero ay kailangan pa ring sumailalim sa pitong araw na facility based quarantine. 

“Hence they would need to present their 7-day booking, as well as proof of vaccination to the BI before clearance. They must likewise have come from countries tagged as green by the Department of Health,” ani Capulong.

Dagdag nito, ang mga hindi pa nakakapagpabakuna ay kailangang sumailalim sa 10-day facility-based quarantine.

Una rito, base sa resolution ng IATF, inatasan nito ang Bureau of Quarantine na nasa mga One Stop Shop na i-verify ang vaccination records ng lahat ng mga paparating na mga pasahero.

Sa kasalukuyang restrictions, pinapayagan naman ang mga Filipinos, balikbayans at mga mayroong valid at existing visas sa iba’t ibang bansa na hindi sakop ng travel ban na makapasok sa Pilipinas.

“Except for balikbayans, tourist visa holders are still not allowed to enter the country,” wika pa ni Capulong.