Sinabi ng Bureaun of Immigration na “national concern” na ang tumataas na bilang ng mga dayuhan na may mga pekeng Philippine documents.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, matagal na nilang nire-raise na national security concern na ito dahil hindi lang isa ang nahuhuli nila noon pa man. Sa nakalipas na taon, nahuli nila ang nasa sampung foreign nationals, at sa kamakailan nga ay tatlo na agad ang nadakip na dayuhang may Ph documents.
Una nang iniulat na nito lamang ay aabot sa 200 na pekeng birth certificates ang nabisto ng National Bureau of Investigation na inisyu ng civil registry sa Sta. Cruz, Davao del Sur, sa Chinese nationals.
Ibinahagi rin ni Senator Sherwin Gatchalian nito lamang biyernes, ang impormasyon mula sa Chinese community na ang presyo para sa pagproseso ng pekeng birth certificates, kasabay na ang government IDs ay nagkakahalagang P300,000.
Kaya naman, ani Sandoval, iniatas ni BI Commissioner Norman Tansingco ang individual assessment sa lahat na maglalakbay na dadaan sa Immigration, binigyang diin na hindi pwedeng may taga sagot ang mga ito sa kanilang travel information.