Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na apat na Pilipino ang pinauwi mula sa Myanmar matapos silang mabiktima ng human trafficking scheme.
Ang mga biktima, na binubuo ng dalawang lalaki at dalawang babae, pawang nasa 30 anyos, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Hunyo 26.
Ayon sa ahensya, umamin ang apat na Pilipino na nag-disguise sila nang umalis sa bansa bilang turista sa HongKong, Thailand, at Taiwan ngunit dinala sa Myanmar sa pamamagitan ng bangka.
Anila, pinangakuan sila ng trabaho na call center ngunit pwersahang pinagtrabaho bilang customer service representatives na nakikibahagi sa online scams, na sumasalamin sa mga dating repatriates.
Dagdag pa, sinabi ng BI na kailangang magbayad ng malalaking halaga ang mga biktima bago sila makapag-resign.
Sinabi pa ng ahensya na ang kanilang recruiter ay isang Pilipino.