-- Advertisements --

Kinumpirma na ng Bureau of Immigration (BI) na kasalukuyang nasa Indonesia ang sinibak na si dating Bamban Mayor Alice Guo base umano sa kanilang pagbabantay sa counterpart intelligence information.

Dumating doon si Guo halos isang buwan na matapos siyang lumabas ng Pilipinas. 

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, bumiyahe si Guo patungong Malaysia mula sa Pilipinas noong Hulyo 16 saka ito dumating sa Indonesia mula Singapore noong Agosto 18. 

Kaugnay nito, naglunsad na ng backtracking ang Immigration Bureau sa mga dinaanan ng dating alkalde para malaman kung sino ang tumulong sa kaniyang makalabas ng bansa kahit pa nasa Immigration Look-out Bulletin Order (ILBO) ito. 

Hindi din isinasantabi ng ahensiya ang posibilidad na may ilang immigration officials na tumulong kay Guo para makalabas ng bansa.