-- Advertisements --

Magsasampa ng mga kaso ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga nagkukubli o pomoprotekta sa mga dayuhang ispiya.

Ito ang naging babala ni BI Commissioner Joel Viado sa isang statement na inilabas nitong gabi ng Biyernes, Enero 31.

Aniya, ang naturang hakbang ay alinsunod sa kampaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking protektado ang bansa mula sa panlabas na banta at iba pang banta sa soberaniya ng bansa.

Kaugnay nito, maigting silang nakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) para sa pagkalap ng impormasyon kaugnay sa umano’y mga ispiyang naaresto kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ang mga namonitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Comm. Viado, sa kanilang inisyal na pagsusuri, ang nasabing mga dayuhan ay mayroong regular immigration status sa Pilipinas, nakadagdag sa hinalang in-embed nila ang kanilang sarili sa lipunan.

Kayat masinsinang nakikipagtulungan aniya sila sa NBI para matukoy kung may mga indibidwal na tumulong sa mga suspek para sa kanilang mga iligal na aktibidad.

Sakali man na makumpirma ngang may tumulong o nagtago sa mga ispiya, mapa-Pilipino man o banyaga, maghahain aniya sila ng mga kaukulang kaso laban sa mga ito para sa pagkukubli sa illegal aliens na paglabag sa Section 46 ng Philippine Immigration Act of 1940.