Inirekomenda ng Bureau of Immigration (BI) na magsumite ng kaso laban sa mga resort owners na pinahihintulutang gamitin ang kanilang facilities para sa mga ilegal na gawain.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nagkaroon sila ng isang raiding operation sa isang ilegal na gaming hub sa loob ng isang resort sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City, Cebu nitong Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tansingco na ang raid ay magsisilbing warning umano sa mga nagbabalak na magumpisa ng mga ilegal na online gambling operations na siyang ipinagbawal na ni Pangulong Bongbong Marcos. Dagdag pa nito, patuloy lamang sila sa pag-monitor sa mga posibleng pugad ng ilegal na operasyon sa ilang resorts.
Pinangunahan naman ng mga operatiba ng BI ang kinasang operasyon kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan natimbog ang 100 foreigners at siya ring inaresto sa nasabing raid.
Plinano ang raid base sa naging mission order ni Tansingco laban sa 13 illegal aliens na na monitor na overstay at nagtatrabaho umano ng walang permit sa nasakoteng resort.
Samantala, base sa naging imbestigasyonng BI, sangkot ang mga foreigners sa ilegal na online gaming operations at siya namang agad na sasailalim sa inquest proceedings at temporary detention bago ipa-deport pabalik sa kanilang bansa.