Mas naghigpit ang Bureau of Immigration (BI) sa mga pumapasok sa bansa.
Kasunod ito sa ipinatupad ng gobyerno ng travel ban mula sa India dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, matapos na matanggap nila ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) resolution ay mas naging mabusisi na sila sa mga pagtingin sa mga pasaporte ng mga dumarating sa mga paliparan.
Maging si BI Port Operations Division chief Carlos Capulong ay mahigpit na tinatanong nila ang mga travel history ng mga pasaherong dumarating sa bansa.
Sinabi naman ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na hindi nila aasahan na mayroon pang mga biyahero mula sa India dahil sa pagpasok pa lamang sa mga airline companies ay hindi na sila papayagan na pasakayin dahil sa sa ipinapatupad na travel ban.
Nauna rito nagpatupad ng 14-days travel ban ang Pilipinas sa India dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nabanggit na bansa.