-- Advertisements --

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na mayroon na silang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng dating Presidential Spokesperson Harry Roque, ngunit tumangging magbigay ng karagdagang detalye ang ahensya.

Sa isang press briefing noong Miyerkules, Pebrero 19, sinabi ni BI Spokesperson Dana Sandoval, ‘Unable to share information po ngayon at this moment, but we do have intelligence information on his whereabouts.’

Dagdag pa niya, ang mga updates ay ibinahagi ng kanilang mga kasamahan sa inteligence counterpart, ngunit aniya, ang mga pormal na pahayag ay ibibigay lamang sa tamang mga awtoridad at sa tamang panahon.

Binigyang-diin din ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Director Winston Casio na kasalukuyan nang isinasagawa ang isang kaso na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na kinasasangkutan si Roque.

Ayon kay Casio, isang petisyon ng forfeiture ang isinampa laban sa Lucky South 99, na kinasasangkutan nina Cassandra Li Ong at Roque, na kasalukuyang nahaharap sa preliminary investigation.

Samantala magpapatuloy ang PAOCC sa mga kaso laban sa mga ilegal na operasyon ng POGO, kung saan 12 kaso na ang naisampa sa korte, 8 sa mga ito ay nasa preliminary investigation, at may 13 pang mga kaso sa preparatory stage.

Kabilang sa mga pangunahing kasong isinusulong ay ang mga kaso ng civil at criminal forfeiture laban sa Baofu o Zun Yuan Technology, na may kaugnayan kay Alice Guo, ang na-dismiss na alkalde ng Bamban, Tarlac na kilala ring si Guo Hua Ping, pati na rin ang mga kasong ihahain laban sa SA Rivendell, Sun Valley Corporation, at Smart Web Technology.