-- Advertisements --

Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na dapat ay may hawak nang investors’ visa ang mga banyagang mamumuhunan bago payagang makapasok ang mga ito sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ng BI na maaari nang makapasok sa bansa ang mga dayuhang may visa sa ilalim ng Executive Order No. 226 o ang Omnibus Investments Code at mga banyagang may Special Investor’s Resident Visa (SIRV) na inisyu sa ilalim ng EO 226.

Gayunman, hindi pa rin pinahihintulutan ang mga inisyung SIRVs sa ilalim ng Executive Order No. 63 sa mga proyektong may kinalaman sa turismo at tourism establishments.

Ayon sa BI, nilabas nila ang abiso matapos humingi ng paglilinaw ang ilang business groups kung sinong mga investors ang papayagang makapasok sa bansa.

Bilang tugon, hiningi ng BI ang opinyon ng Department of Justice, na sinabing ang mga SIRV holders ay exempted sa inbound travel restrictions na ipinataw sa mga foreigners, dahil ang kanilang visa ay inisyu rin sang-ayon sa EO No. 226.

Sinabi pa ng ahensya, ang mga visa sa ilalim ng EO 226 ay ibinibigay sa mga foreign executives ng regional o area headquarters ng mga multinational companies, kanilang asawa, at mga anak nilang nasa edad 21-anyos pababa.