Nagpaliwanag ang Bureau of Immigration (BI) kung bakit hindi pa rin inaalis ang ban sa mga Pilipinong magtutungo sa Hong Kong at Macau bilang mga turista.
Ito’y kahit ipinatupad na ng BI kahapon ang pagbawi sa departure travel ban para sa mga overseas Filipino workers, estudyante at permanent residents sa nasabing mga teritoryo.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kailangan pa ring masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino lalo pa’t umiiral pa rin ang outbreak ng coronavirus disease (COVID-19) sa mainland China.
Samantala, itinuturing naman ni Morente na welcome development ang lifting ng ban para sa mga OFW na hindi na nakaalis sa Pilipinas simula nang pairalin ang kautusan.
“The Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (EID) has recommended the lifting of the departure travel ban for Filipino overseas workers, student visa holders, and permanent residents of Hong Kong and Macau,” saad ni Morente.
“This is a welcome development for our kababayan who wish to return to their work abroad,” dagdag nito.
Kaugnay nito, iginiit ng Overseas Workers Welfare Association (OWWA) na kailangang lumagda ang mga Pilipino sa isang declaration o sworn statement bago sila pahintulutang makapunta sa naturang mga rehiyon.
Sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ito ay upang kanilang mabatid na naiintindihan nila ang sitwasyon maging ang panganib ng pagbalik nila doon.
Tingin ni Cacdac, maganda itong hakbang upang magkaroon ng kalinawan ang pamahalaan na alam ng naturang mga OFW ang sitwasyon.
Sa pinakahuling datos, umaabot sa mahigit 210,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Kong Kong, at 32,000 sa Macau kung saan karamihan sa mga ito ay mga household workers.