-- Advertisements --

Muling nagbabala ang Bureau of Immigration sa mga indibidwal na nagkakanlong sa mga POGO workers na patuloy nilang pinaghahanap.

Ito ay dahil nagtapos na ang itinakdang December 31, 2024 deadline para i-downgrade ang kanilang visa sa isang tourist visa matapos na ipagbawal ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng operasyon ng POGO.

Ayon sa BI, ang sinumang mapapatunayang nagkakanlong sa mga banyagang manggagawa ng POGO ay maaaring maharap sa kaukulang kriminal na kaso.

Nanawagan rin ito sa publiko na iulat kaagad sa kanilang tanggapan ang anumang mga mahahalagang impormasyon hinggil sa mga pinaghahanap na mga POGO workers na hanggang ngayon ay tumatangging lumabas ng bansa.

Ang mga ito ay ikinukonsidera na aniyang mga ilegal alien dahil nagpaso na ang kanilang mga dokumento.

Batay sa datos, aabot pa sa mahigit 11,000 nba mga POGO foreign workers ang hindi pa sumusuko sa mga otoridad.

Ito ay mula sa kabuuang 33,863 foreign nationals na inaasahang maipadedeport ng BI ngunit umabot lamang sa 22,609 na mga POGO workers ang naibalik sa kani-kanilang mga bansa.