-- Advertisements --

Naalarma ang Bureau of Immigration (BI) sa naging pagtaas ng bilang ng mga kaso ng human trafficking na may kaugnayan sa catphishing.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, 14 na mga biktima ang naitala sa loob lamang ng isang linggo kung saan pinipigilan ng ahensya ang kanilang pagalis para sa isang iligal na trbaho sa mga scam hubs sa ibang bansa.

Ang unang ikinasang operasyon ay nakapagligtas ng tatlong biktima na may mga edad na 33,25 at 27 na taong gulang na dapat lilipad patungong Thailand.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) , ang mga naharang sa paliparan ay mga first-time travelers para sa isang self-funded trip papuntang Thailand ngunit dahil sa kanilang naging mga sagot sa mga naging pagtatanong ng mga immigration officers, sila ay sumailalim sa mas malalim na pagsusuri.

Dito na napagalaman na ang mga biktima ay narecruit sa isang trabaho sa Cambodia bilang customer service representative sa isang business process outsourcing (BPO) company.

Samantala, nadagdagan pa ito ng 11 biktima noong Pebrero 5 na siyang naka-board sa iisang airline patungong Thailand.

Sa naging imbestigasyon, pinangakuan ng P50,000 kada buwan na sahod ang mga ito para sa isang BPO work sa Pakistan.

Ayon daw sa recruiter, magpanggap na mga estudyante ang mga biktima para itago ang kanilang mga Pakistani visa.

Agad naman na inilapit sa kustodiya ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para sa karagdagang assistance at para sa pagsasampa ng kaso sa mga recruiters ng mga ito.